Thursday, May 28, 2009

MARAMI

Maniwala po kayo, maraming magaling at marangal na Pilipino!
Ang lagi lang kasing nababalita ay ang mga gumagawa ng katiwalian at ang mga umaaangkin sa pera ng bayan na para dapat sa lahat.
***
Ang totoo, sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas ay mayroon tayong mga kalahi na hindi sarili ang inuuna kundi ang kapwa, mga Pilipinong hindi lamang nagha­hangad ng tama kung hindi ipinag­lalaban din ito.
***
Noon pa man ay ito na ang pinaniniwalaan namin sa grupong “Kaya Natin: A Movement for Good Go­vernance and Ethical Lea­dership”. Ang mga karanasan ng pag-asa at tagumpay ay hindi lamang nangyayari sa Isabela, Pampanga, Ifugao, Naga City at San Isidro, Nueva Ecija kung saan kami namumuno nina Gov. Eddie Panlilio, Gov. Teddy Baguilat, Mayor Jesse Robredo at Mayor Sonia Lorenzo.
***
Noong Biyernes, Abril 24, ipinakilala namin ang walong bago pa naming kasama -- tatlong babae (sina Mayor Marivic Belena ng San Jose City, Nueva Ecija at sina dating Mayor Gloria Congco ng Cabiao, Nueva Ecija at Mary Jane Ortega ng San Fernando, La Union) at limang lalake -- sina Ma­yor Oscar Rodriguez ng San Fernando, Pampa­nga; Bise-Mayor Valente Yap ng Bindoy, Negros Occidental at ang mga dating sundalo na sina Mayor Mayor Fermin Mabulo ng San Fernando, Camarines Sur at Ma­yor Florante Gerdan ng Sante Fe, Nueva Vizcaya at ang da­ting pulis na si Mayor Roque Verzosa Jr. ng Tagudin, Ilocos Sur.
***
Biro niyo, tatlo sa limang lalake ay dating mga unipormado. ‘Di ba kadalasan ang tingin ng marami sa kanila nakakatakot? Parang hindi mo iisipin na magiging ins­pirasyon para sa iba tungo sa pagbabago.
***
Napaisip kaming lahat sa sinabi ni Mayor Mabulo na “Power without idea­lism is corruption. Idea­lism without power is frustration.” Kaming mga nakaranas nang mailuklok sa kapangyarihan ay nakakaalam na sobrang totoo ito.
***
Ako nga, lagi kong sinasabi sa aking talumpati na isa sa mga pinakama­laki kong natanto pagkaraan ng limang taon kong Gobernador ng Isabela ay kung gaano kalaki ang kapangyarihan na nasa kamay naming mga hinahalal ng taumba­yan. Isang pirma ko lang, makakapag­labas ng mil­yun-milyong pera ng ba­yan. Isang “oo” o “hindi” na sasabihin ko ay makakaapekto sa buhay ng napakaraming tao.
***
Kung gagamitin nang mabuti, ang kapangyarihan ay napakaganda. Pero paano kung ang kapangyarihang ito ay mapunta sa mga sabik sa pera kasi marami silang luho o may iba’t ibang pamilya o asawa o mahilig sa mga sugal. Syempre, minu-minuto, manganganib ang pera ng bayan. Sa halip na mapunta sa mga naghihirap na mga Pilipino, sinasarili na lamang ng mga salbaheng politiko.
***
Kaya nga sana po gamitin nating mabuti ang ating kapangyarihang bumoto. Ito lang ang sandata natin laban sa mga magsasamantala sa atin. Talasan ang pakiramdam para sa mga karapat-dapat. Mag-ingat sa mga sobra kung gumastos ng pera at sa mga magaling lang sa porma.
***
Marami namang pagpipilian. Dapat kasi galingan din nating pumili.

0 comments:

Post a Comment